Thursday, November 08, 2007

Kay Amper, biktima ng lipunan

Nabasa ko ang isang news item sa inquirer.net tungkol sa isang batang babae na nagsuicide dahil sa kahirapan. Nagbigti ito sa kanilang bahay dahil sa kawalang pag-asa ng kalagayan ng kanilang pamilya.

Maaring hindi na nga bago ang isyu ng kahirapan, nagsusumigay ito araw-araw sa ating mga pagmumukha. Sa mga bata sa Pasay Rotonda na nagpupunas ng mga sapatos ng mga pasahero sa jeep, sa mga Maria Clara sa Ermita, Quezon Ave at Makati Ave, Sa mamang may malking nagnanaknak na sugat sa binti at namamalimos ng awa sa may Alabang, Sa mag-amang nasa kariton sa tagiliran ng Peoplesupport kahit madaling araw, at batang lalaki na binugbog dahil nahuling pumulot ng 2 pirasong ponkan sa Bicutan Market, Sa matandang pinagmumura ng kundoktor habang bumababa sa Mandtrade dahil nag 123, sa 2 batang babaeng may dalang tambol at magpapaikot ng lata para sa konting barya sa mga pasahero ng bus sa SSH at marami pang mga pinoy na walang mukha at pangalan na lalong ninakwan ng pagkatao dahil sa kahirapan. At ngayon si Marianette Amper, pinatanda ng kahirapan, kinikilala ngayon ng midya, politiko at ng buong bansa dahil pinatay ang sarili dahil sa di na matiis na kagutuman.
Ngunit dahil sa may kaalwanang nadarama (o ilusyon nito) ang ilan sa may "kakayahang" magapi ang kahirapan ay nagsasawalang-bahala.

Nakakabaliw dahil kahanay ng news item na ito ay ang isyu ng suhulan sa Malacanang. Kalahating milyon kada Tongressman habang isa ng bata ay nagpakamatay dahil ni itlog o pancit canton o baka kahit lamesa ng paglalagyan nito ay wala. Isang malaking putang-ina!

Hindi tuloy maaalis sa isip ko kung ang kumitil sa buhay ni Marianette Amper ay sarili nyang mga murang kamay o kagagawan ng isang lipunan -- mga tao at institusyon, kaugalian, interes nito na nagsasawalang-kibo sa mga dinadanas ng ibang kasapi ng lipunan nito. Lipunang salat sa puso at puspos ng utak at sikmura -- utak na mapanlamang at mapagsamantala at sikmurang may kakayahang gawin at ipagpatuloy ang lahat ng kabaliwang ito.

No comments:

 
Clicky Web Analytics